Ang pananakop ng mga Amerikano ay isang pagbabalat-kayo, na sa umpisa ay nagkukunwaring mga tagapagligtas ng kalayaan ng Pilipinas, ngunit sa bandang huli ay unti-unting nagtanggal ng maskara.
Sabi sa aklat ng Sa Kuko ng Limbas na isinulat ni Dr. Nemesio Prudente, ang paghahari at pananakop ng mga imperyalistang Amerikano sa Pilipinas, ay nahahati sa dalawang panahon o yugto:
¨ Ang una ay lantarang pananakop, kasama na ang panahon ng Komonwelt.
¨ Ang ikalawa ay ang hindi tuwirang pananakop na nagsimula pagkatapos na “ipagkaloob” noong Hulyo 4, 1946 ang kunwa-kunwariang kalayaang pulitikal (neocolonialism)
Sinabi din sa akda na hindi totoong aksidente ang pagdating ng mga Amerikano sa Pilipinas. Ang kanilang pagpasok sa Pilipinas at sa buong Asya ay udyok ng makasariling hangarin. Noong daw mga panahong yaon, humihina na ang mga dating kolonyalistang bansa tulad ng Espanya, Portugal, Pransiya at Olanda. Dahil dito, madaling naisagawa ng Estados Unidos ang pagpapalawak ng kanyang impluwensyang pangkabuhayan. Napadali ang pagtatatag nila ng pamilihan sa iba’t-ibang bansa sa Asya na napagdadalhan nila ng kanilang produktong industriyal at agrikultural na labis sa pangangailangan ng kanilang mamamayan. Ayon pa sa may-akda, inihandang mabuti ng Estados Unidos ang kanyang sistemang gagawin na may hangarin sa Asya. Pinalakas ang kanyang hukbong dagat at militar upang hindi malamangan ng iba pang mga bansang imperyalista. Inihanda ang ganitong hukbo, hindi lamang laban sa kapwa imperyalista, kundi upang matiyak ang tagumpay ng pananakop kung tututol ang sasakupin o kung ang mga ito naman ay maghihimagsik kapag nasakop na. Binigyan-diin din ni Prudente na ang pagpapalakas na ito ng kanilang sandatahang lakas ay hindi dikta ng “dangal at tungkulin” ng kanilang bansa, kundi ng mga monopolistang Amerikano na nagbubukas ng bagong gawain sa Amerika- ang imperyalismong pandaigdig.
Isinalaysay din sa akda ang mga hindi magagandang ginawa ng mga Amerikano, tulad ng panloloko nila kina Aguinaldo, brutalidad at ang hindi makataong pagpaparusa sa mga Pilipino. Ilan pa sa mga kalupitang ito ay ang mga sumusunod:
¨ Tinutubig ang mga nahuhuling rebolusyunaryong Pilipino.
¨ Ang lahat ng bayan na hindi nakikiisa sa mga Amerikano ay kanilang sinunog at pinagsisira.
¨ Sila ay parang mga sadistang pumatay nang walang kabuluhang pangmilitar.
Inisa-isa din sa aklat ang mga Amerikanong opisyal na nagpahirap sa mga Pilipino tulad nina Hen. Wesley Meritt, Hen. Arthur MacArthur, Hen. Douglas MacArthur, Koronel Jacob Smith at Hen. Frederick Funston. Sa kabilang panig, nabanggit din dito ang mga kabayanihan ng mga Pilipinong lumaban sa mga Amerikano para sa pagpapanatili ng kapayapaan tulad ni Gregorio del Pilar na nagbuwis ng kanyang sariling buhay. Binigyang-halaga din sa aklat ang mga naitulong ng mga kaibigang Intsik tulad ni Jose Pawa at Dr. Sun Yat Sen na nakaambag sa pakikipaglaban sa mga Amerikano.
Ipinaliwanag din ng aklat ang mga batas na ipinatupad noon ng mga Amerikano na nagpapatunay na nais nilang sakupin ang Pilipinas tulad ng batas sedisyon at iba pa. Inilarawan din dito kung paano gumawa ng paraan ang mga Amerikano upang wasakin at baguhin ang kultura at edukasyong Pilipino sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga gurong Amerikano sa Pilipinas at ang paggamit ng Ingles bilang wikang panturo na naglalayong magkaroon ng agwat ang uri ng mga Pilipino. Ayon sa aklat, ito ay taktikang imperyalista: ang pagpapalubha sa pagkakahati at hindi pagkakaunawaan ng sambayanan.
Sinimulan din, ayon kay Prudente ang pagpapadala sa mga pensiyunadong Pilipino sa Amerika upang makalikha ng mga Pilipinong Amerikano na magtatanggol sa interes ng mga Amerikano sa bansa. Layunin din, ayon pa sa may-akda ng pagpapadalang iyon ng mga pensiyunado sa Amerika na makabuo ng mga burukratikong Pilipino na higit pang kakampi sa mga imperyalista kaysa sa mga Pilipino.
Ang pagpapasok ng sistema ng edukasyon batay sa mga Amerikano ay isang paraan ng mga imperyalista upang masaklaw hindi lamang ang mga katawan, kundi upang burahin pa rin ang bahid ng nasyonalismo sa isipan ng bawat Pilipino. Samakatwid, ayon kay Prudente, kinasangkapan ng mga Amerikano ang edukasyon sa pagsakop sa Pilipinas.
Bukod dito, hinayaan ng mga Amerikano na mamatay ang mga industriyang pangkamay o pambahay sa Pilipinas, na dahil sa patuloy na pagdagsa ng mga yaring produktong Amerikano ay
natatalo sa kompetensya. Ang ganitong paraan ng pagpatay sa industriyang Pilipino, at ng patuloy na pagdagsa ng mga produktong Amerikano ang naging dahilan ng patuloy na pagkakaroon ng buhay ng piyudalismo na siyang sanhi kung bakit ang mga magsasaka at manggagawa sa Pilipinas ay nananatiling dukha at api.
Ang imperyalismong Amerikano ay hindi makapananatili nang matagal sa Pilipinas kung wala silang kasabwat at kapanalig sa bansa. Sa larangang pangkabuhayan, ang mga imperyalista ay may mga alipures- mga panginoong maylupa at komprador na siyang tuwirang nakikinabang sa kanilang tuwirang pananakop na iyon. Ang lagi nang biktima ng koloyalismo ay ang maraming bilang ng mga magsasaka at manggagawa. Dito sumipot ang neo-kolonyalismo, isang antas ng panloloko ng imperyalismong Amerikano, ngunit siyang pinakamataas. Ang neo-kolonyalismo o ang makabagong paraan ng pananakop ay isang kilusang kontra- rebolusyunaryo; isang paraan ng paggamot upang mapigil ang paglakas ng kilusang mapagpalaya, lalo na sa dakong Asya.
Ang imperyalismo ay siyang balakid kung bakit hindi maaaring makasunod ang isang bansang hindi maunlad sa daan ng kapitalistang pag-unlad. Dahil sa patuloy na pananatili ng imperyalismo sa Pilipinas, ang lipunang nabuo at tumibay sa bansa ay isang lipunang malakolonyal at malapyudal. Ayon sa aklat, ito ang talagang nais na mangyari ng Amerika- na ang balangkas ng kabuhayan ng Pilipinas ay maging pyudal upang sa habang panahon ay maging tagatustos na lamang ito ng mga hilaw na kalakal at tagaangkat ng mga yaring produkto. Ang mga burukratang kapitalista, partido pulitikal ay nagsilbing kasabwat ng mga imperyalista. Lahat ng mga kautusan at batas na kanilang nililikha at ipinatutupad ay mga batas na ang mga imperyalista at ang kanilang uri lamang ang siyang nakikinabang.
Ang pambansang krisis na ito, ayon kay Prudente ay mawawakasan lamang sa pamamagitan ng pagbuwag sa hindi pantay na kasunduan ng mga Pilipino at Amerikano na pinagbabatayan ng mga imperyalistang Amerikano sa Pilipinas. Nararapat din ayon sa may-akda na magkaisa ang mga manggagawa sa ilalim ng patakarang demokratikong makabayan. Ang pamamahala ng mga Amerikano sa mga negosyo dito sa Pilipinas ay dapat nang ipasakamay sa mga Pilipino.
At ang pinakaimportante sa lahat, ayon pa kay Prudente ay ang pagbabago sa edukasyon, kailangan itong sumailalim sa Pilipinasyon upang makatulong sa pagbuwag ng imperyalismo sa bansa.
Kung may katotohanan o wala ang mga naisulat ni Prudente sa akdang sa Kuko ng Limbas, bilang mga Pilipino, nararapat lamang na pangalagaan natin ang ating bansa at proteksyunan natin ito sa mga gawain ng dayuhan na maaaring umagaw uli ng ating kalayaan. Nawa’y matuto tayo sa nakaraan at iwasan na natin ang paggawa ng mga desisyong magpapahamak sa ating bansa. Ang Pilipinas ay ating bansa, ito ay para sa atin at tayo bilang mga Pilipino ay para sa kanya. Sa ano mang ginagawa, isipin natin ang ikabubuti nito sapagkat ang Pilipinas lamang ang nagbubukod tanging Inang Bayan natin.
ito ay hango sa :unangrepublikangpilipinas.wordpress.com
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento